Wednesday, May 20, 2009

Motorsiklo Delikado!!!

I. Introduksiyon ng Pananaliksik

A. Panukalang Pahayag

Ang buhay ng tao ay tila nasasayang dahil sa kawalan ng disiplina at pag-iingat na nagdudulot ng mga aksidente pang-sasakyan partikular sa paggamit ng motorsiklo.

B. Introduksyon

Ang Paksa ng mga Mananaliksik ay tungkol sa mga panganib na maidudulot sa inyo sa paggamit ng mga motorsiklo bilang transportasyon. Ipinapakita ng mga Mananaliksik dito hindi lamang ang panganib na maidudulot sa inyo nito ngunit ang iba rin nitong benepisyo sa lalo na sa mga pagtratrabaho.

Mararamdaman dito ang mga naidudulot nito sa tao at ang punot dulo kung sino at ano ang may kasalanan sa mga panganib na inyong nasasaksihan. Marami kayong nababasa, nababalitaan o napapanood na mga sakuna na dulot nito ngunit hindi nyo naman alam kung ano ang dahilan nito. Maaari pa nga’y minsan ay naaawa o natatakot kayo dahil maaari rin mangyari sa inyo ito at masakit naman para sa mga namatayan na dahil lamang sa motorsiklo ay mababawian ng buhay ang kanilang mahal sa buhay.

Siguro nga’y mapapansin nyu rin na madalas ay marami namang lumalabag sa batas kung kaya’t nangyayari ang mga aksidente. Ngunit hindi rin masisisi ang mga taong iyon kung mayroon silang dahilan na importante. Babala lamang ng pagsasaliksik na ito na dapat talaga magkaroon kayo ng ibayong pag-iingat sa pagmamaneho ng mga motorsiklo at hindi lamang doon ngunit sa ibang sasakyan rin. Maski nga sa bisikleta ay maaari rin kayong maaksidente kung hindi tayo mag-iingat.

C. Rebyu o Pag-aaral

Hindi lamang datos galing sa internet ang nakamit sa pagsasaliksik na ito ngunit pati na rin sa pagsasaliksik na mula sa mga taong nainterbyew o nakapanayam ng mga mananaliksik na nakaranas o may kaukulang reaksyon tungkol sa paksa.

Sa iilang website sa internet ay may naipapaksang mga balitang ukol sa mga aksidente sa motorsiklo. Tulad na lamang sa GMA News.TV, abs-cbn news, at maski sa Business Mirror ay mayroon nito.

Mayroon ring ibang mga tagadeliver ng mga restaurant na nakaranas at nahingan ng mga mananaliksik ng panayam at reaksiyon tungkol dito.

D. Layunin

Nais ng mga Mananaliksik na isaisip ng bawat tao na hindi biro ang paggamit ng motorsiklo at hindi lamang ito ginagamit upang pumorma dahil malaking panganib ang naghihintay sa inyo dito.

Hindi nagsisilbing pananakot ang pananaliksik na ito ngunit gusto lamang ito ipahayag na sa tao nagmumula ang mga panganib at sakuna sa kanyang buhay at hindi naman rin ito maiiwasan dahil may mga oras na hindi natin namamalayan ang mga pangyayaring nagaganap sa inyong pangaraw-araw.

Nais ng mga Mananaliksik na ilawak ng tao ang kanilang isip tungkol sa mga panganib nito at hindi lamang isipin ang kanilang sariling pananaw ukol sa paksa. Tinatanggap naman ng mga Mananaliksik ang inyong opinyon ngunit nagpapakita lamang ang pag-aaral na ito ng iilang mga reaksiyon at mga impormasyon na dapat malaman ng mga tao na tila mahirap unawain.

Nilalayon ng pagsasaliksik na ito na maging disiplinado ang mga tao at maging maingat ang mga tao sa lahat ng aspeto ng buhay hindi lamang sa transportasyon at pagmamaneho.

E. Halaga

Importante at mahalaga ang pananaliksik na ito dahil dumarami na ang mga kaso ng aksidente sa motorsiklo hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Nagsisilbi itong babala sa inyo at nagbibigay ng kaukulang impormasyon na kailangan malaman ng mga nyo dahil marahil hindi pa ninyo ito nalalaman o hindi man lang maintindihan.

At higit sa lahat, magbibigay ito ng mga aral na dapat tandaan ng mga tao at makikita ng mga tao ang dilim at liwanag ng paksa na marapat lang nilang isaisip at isapuso para sa kanilang pangaraw-araw.

F. Konseptwal na Balangkas

Ang pananaliksik na ito ay magmumula sa pangkalahatang panganib na nagmumula sa mga motorsiklo. Ang sumusunod ay ang mga datos mula sa tao at internet na nagpapakita ng mga reaksiyon at mga facts na dapat basahin ng mambabasa. Sumasaloob rin sa pananaliksik na ito ang mga survey at graphs tungkol sa paksa.

Sa ilalim ng datos mula sa mga tao ay ang mga opinyon nila sa paksa at pagbabahagi ng kanilang karanasan dito. Ipapakita dito ang mga sanhi at bunga na sa palagay nila’y totoo at purong opinyong pangtao ang kanilang ipinayam.

Ang datos sa mula sa internet, pahayagan, atbp. ay mayroong tatlong bahagi. Ang mga artikulo na magpapakita ng mga nangyari na karanasan o aksidente sa mga tao, ang opinyon ng mga opisyal upang masagot ang inyong mga katanungan tungkol sa isyu at malaman na rin ang kanilang mga hinaing tungkol dito, at masusing paghihimay sa mga detalye naipon at nasaliksik ng mga mananaliksik. Mayroon ring ilang mga solusyon na naipataw ng MMDA o mga opisyal ukol sa paksang ito.

G. Metodolohiya

Ang pananaliksik ito ay tumatakbo sa dalawang konsepto:

1. pagbibigay ng impormasyon
2. pagtanggap ng impormasyon.

Nabuo ang pananaliksik na ito sa pamamagitan ng pagkuha ng panayam sa mga tao at paghahanap ng mga impormasyon sa mga sanggunian.

H. Saklaw at Delimitasyon

Ang nasasaklawan ng pananaliksik na ito ay ang mga sanhi at bunga ng mga aksidente mula sa motorsiklo. Hindi lamang ito ang aktwal na mga sanhi at bunga ngunit pati na rin sa opinyon ng mga taong nakaranas mismo at nakasaksi dito.

Ang hindi mababahagi dito ay ang mga siyentipikong panganib ng motorsiklo dahil nakatuon ito sa aksidente at hindi sa masasamang epekto nito sa tao.

I. Daloy ng Pag-aaral

Sa pananaliksik na ito ay matatalakay ang mga karanasan ng mga tao at kanilang mga opinyon. Ang iba sa kanila ay may inis o tuwa sa mga aksidente ngunit matatanggap nyo naman ang kanilang reaksiyon dahil ang bawat tao ay may kanya-kanyang pag-iisip.

Ang mga opisyal rin ay may kaukulang sagot na dapat rin malaman ng mga motorista. Matatalakay rin nila ang mga posibilidad ang mga bunga ng kapasawayan ng mga motorista sa kalsada.

May ilan ring mga datos na makakapagpatibay sa mga detalye na ibinahagi ng mga tao at ng mga sanggunian upang lalo pang maintindihan ang nais ipahayag ng pananaliksik na ito.

II. Panganib mula sa Motorsiklo

a. Introduksiyon ng paksa

Ang pananaliksik na ito ay may dalawang bahagi. Ang bawat bahagi ay nagbibigay impormasyon tungkol sa mga aksidente mula sa motorsiklo.

Unang bahagi ay mula sa mga tao na nakaranas nito at kaunting mga opinyon mula sa mga opisyal at ang kanilang mga reaksiyon.

Ang huling bahagi ay nagpapakita ng mga datos na mula sa internet atbp. na makatutulong sa paglilinaw sa mga isip ng mga tao lalo na sa mga motorista.

1. Datos mula sa tao

a. Sa disiplina ligtas ka! (Opinyon at reaksiyon)

Unang nakapanayam na mga mananaliksik ay isang delivery boy na nagtratrabaho sa KFC o Kentucky Fried Chicken. Gumagamit siya ng motorsiklo upang maidala ang kanyang dalang pagkain na nais bilhin ng kanyang pagdadalhan.

Ayon sa kanya ay lagi siyang muntikan nang maaksidente dahil sa motorsiklo. Una pa nga raw ay hindi pa siya marunong ngunit binigyan siya ng training at tinuruan siya ng kanyang mga kamag-anak para sa kanyang pinasukang trabaho. Kabado pa nga raw siya dahil alam niyang madaling maaksidente sa motorsiklo lalo na kaya kapag hindi ka gaanong marunong at bihasa sa pagmamaneho nito.

Pinakauna niyang masamang karanasan dito ay muntikan na siyang mabangga ng isang rumaragasang dyip. Dahil sa kanyang bilis ng pagmamaneho upang magmadali ay kaunti na lang ay nabawian na siya ng buhay.

“Alam mo ba buti na lang nga noong araw na iyon mas mabilis ako sa dyip kaya naiwasan ko mabundol kundi tigok na ako ngayon”, ayon sa kanya na tila masaya dahil nakaligtas sa aksidente.

* Ipinapakita dito na hindi lamang pala ang motorsiklong ginagamit ang may kasalanan kundi ang nagmamaneho nito. Kung hindi kasi siya nagmadali at dahan-dahang nagpatakbo ng motor ay hindi siya muntikang mabundol at mapatay ng biglaan. Sa madaling salita, disiplina ang susi upang hindi maaksidente.

Isang mag aaral sa UST na gumagamit ng motorsiklo upang pumasok.

Ayon sa kanya ay nais niya raw itong gamitin upang gawing porma o bilang pampasikat sa mga chicks. Hindi nga lang namin pwede gamitin ang kanyang pangalan dahil sa ilang mga dahilan.

“Astig kasi kaya para mas mabilis na rin ako makapuntang school,” ipinagmamalaki na sinabi sa amin.

Ngunit dati raw ay naaksidente na siya dito na naglikha ng lamat sa kanyang bungo dahil sa pagkakabagsak sa motorsiklo habang nakikipagkarera.

* Ang paggamit ng motorsiklo ay nagagamit sa transportasyon at hindi sa pagporma at pagpapasikat sa mga tao. Tila isang malaking problema ito dahil kapag dumating ka na sa edad na 18 ay pwede ka na gumamit nito kailangan mo lamang ng lisensya. Ngunit dahil sa murang edad ay hindi ito nagagamit ng wasto at madalas ay naaaksidente dahil sa paggamit nito.

Ang pagiging pasaway ay may kanya-kanya ring limitasyon.

Marami sa aming nakausap ay hindi sumusunod sa mga patakaran sa kalsada. Madalas ay kahit stop o red na ang traffic lights ay patuloy pa rin silang nagpapaandar at humaharurot.

Madalas raw silang muntik nang masagasaan o kundi naman ay nadudulas ang motorsiklo at maaaksidente.

Minsan rin raw ay hindi nila nababasa ang mga traffic signs kaya naaaksidente. Tulad na lamang sa mga U-turn na hindi nababasa dahil sa layo ng mga ito sa kanilang paningin. Ngunit kung ikaw ay isang marunong at magaling na drayber o motorista ay dapat mong tignan mabuti ang mga sign sa kalsada.

* Ipinapakita naman dito na ang pagiging pasaway ay nakakadulot rin ng aksidente. Kung sa hindi paggamit ng mga kagamitan ay nakakapahamak lalo na kaya kung maaaksidente ka dahil sa hindi pagsunod sa patakaran at batas sa kalsada. Hindi rin puntos para sa motorista ang pagkakaroon ng mahina at malabong paningin dahil ang responsableng motorista ay marunong sumunod sa patakaran ng kalsada kahit hindi niya ito kabisado at hindi sanay sa kanyang dinaraanan.


b. Kala mo ako lang may kasalanan? Sila rin!

Sinasabi rin ng ilang tao na hindi lang sila ang may kasalanan ngunit pati ang mga awtoridad ay may mali sa pagpapasagawa ng mga batas.

Minsan raw kasi kahit hindi naman importante ay isinasabatas. Tulad na lamang sa pagsusuot ng helmet. Tila iniiwasan nila ang mga MMDA sa kalsada dahil baka sila ay hulihin. Nagdudulot tuloy ito ng mga aksidente na hindi naman nyo maiiwasan.

Sino ang makakapagsabi kung baka sila ay makaaksidente rin ng pulis na humahabol sa kanila. Kung alam rin nilang halos kalahati sa mga aksidente mula sa motorsiklo ay galing sa mga MMDA na naaaksidente kumpara sa mga motorista.

Ngunit minsan rin raw ay nakakainis ang mga MMDA dahil sa pagpito nila ng kanilang mga pito ay nakakagulo raw ito ng pag-iisip at tila naaaksidente rin sila dahil dito. Napakaliit na dahilan ngunit mayroon ring puntos kung tutuusin.

* Ihinahayag nito na hindi lang ang motorista minsan ang may kasalanan, ngunit pati rin ang mga opisyal. Minsan kasi ay wala sa rason ang paghuli nila ng mga motorista kung kaya’t umiiwas ang mga motorista sa kanila. Nangangahulugan lang nito na pareho silang may kasalanan.

Ayon rin sa mga kinuhaan ng opinion ng mga mananaliksik ay pati ang mga pedestrian o ang mga inosenteng tumatawid ng kalsada ay may kasalanan rin.

“Minsan kasi may mga pasaway na tumatawid ng pedestrian hindi tumitingin sa dinaraanan nila,” sambit ng aming pinahayagan.

Oo nga naman sagot ng MMDA na aming ininterbyew. Ngunit hindi naman raw masisisi ang mga pedestrian dahil kaya nga sila dumadaan ng pedestrian ay upang makatawid. Nasa motorista pa rin ang sagot kung paano sila makakaiwas sa aksidente.

Isang araw, ayon sa aming ininterbyew, ay biglaan siyang nagpreno dahil sa tumatawid na tao sa pedestrian ngunit green ang ilaw o go ang nasa traffic lights nila. Nainis pa nga raw siya at tila sinigawan ang tumatawid dahil hindi raw siya marunong tumawid ng kalye.

* Makikita naman dito na pareho ulit ang may kasalanan, ang taong tumatawid pati na rin ang motorista. Dapat talaga magkaroon ng disiplina ang motorista pati ang pedestrian. Maliwanag rin dito na nakakadagdag rin sa aksidente ang mga pedestrian sa kalsada. Ngunit hindi natin masasabi dahil nasa kamay pa rin ng motorista kung siya ay maaaksidente o hindi.

II. Datos mula sa mga Sanggunian

a. Mga artikulong kumukulo

Ayon sa www.motorsiklo.com ay dumarami ang mga aksidenteng nagaganap sa Zamboanga. Sinasabi dito na sa edad na 18-24 nagmumula ang mga aksidente.

Marami raw sa Zamboanga ang hindi rehistradong mga motorsiklo na karamihan ay ginagamit ng mga menor de edad. Kung kaya’t 1,298 na aksidente ang nailista noong 2008 at higit sa 200 ang galing sa mga kalsada.

Karamihan rin ay isinisisi ng mga opisyal sa walang ingat na pagmamaneho lalo na kapag lasing ng mga motorista.

Kung kaya’t iminumungkahi ng mga opisyal na mag-ingat lalo ang mga motorista lalo na kapag nagmamaneho ng gabi.
Mayroon ring artikulo sa business mirror tungkol sa mga motorsiklo.

Sinasabi naman dito na dumarami ang mga aksidente sa motorsiklo dahil sa paggamit ng mga motorista ng cellphone habang nagmamaneho. Idiniin rin nila na walang mga paalala o kumersyal na nagtatampok tungkol sa mga ganitong aksidente na dahil lamang sa kapabayaan ng motorista.

“Hindi naman mapipigilan ang isang tao pagtetext ngunit dapat ito isaoras at hindi sa oras ng pagmamaneho,” ayon sa artikulo.

Lalo raw ipinapatupad pa ng mas mahigpit ang paghuli sa mga motorista na hindi nagsusuot ng helmet. Dapat kasing hindi kalimutan maghelmet kapag nagmamaneho upang maiwasan ang injury kapag ika’y nalaglag sa motorsiklo.

* Sinasabi lang sa dalawang artikulo na hindi dapat kalimutan ng motorista ang kanyang mga responsibilidad ang mga disiplina habang nasa kani-kanilang motorsiklo. Katulad rin sa mga naunang opinyon ng mga tao sa gitnang bahagi ng pananaliksik na tila disiplina ang kulang sa mga motorista kung kaya’t nakakaranas sila ng mga aksidente.

* Hindi rin pala nagkukulang ang gobyerno sa pagpapatupad ng batas at nagiging problema na lamang ay ang mga taong hindi sumusunod dito. Oo nga, uso at nakakatipid ang paggamit ng motorsiklo ngunit dapat rin nyong isipin ang mga pahamak at problema kapag hindi kayo nag-alaga sa ating sarili at nagpabaya.

b. Sikat na Sanggunian

Pati sa mga sikat na sanggunian tulad ng ABS-CBN at GMA ay nagkalat ang ilang mga artikulo na naglalaman ng mga aksidente mula sa motorsiklo.

Una ay sa GMA na nagtatampok tungkol sa aksidente na naganap sa Metro Manila isa sa Caloocan at dalawa sa Marikina na naganap noong March 3, 2009.

Isang ten-wheeler truck raw ang nakabangga sa sobrang tulin na motorsiklo na naganap sa Marikina. Hindi raw maliwanag kung sino ang may kasalanan ng aksidente ngunit sinisisi ito sa motorsiklo sapagkat overspeeding ito at hindi man lang prumeno ng makita ang truck.

Sa ABS-CBN naman ay may report na anim ang sugatan dahil sa maduong aksidente ng motorsiklo na naganap noong Abril 3, 2009.

Pagmamaneho ng lasing ang itinuturong dahilan at mga insoente ang naging biktima nito.

* Pati sa mga sikat na sanggunian ay sikat ang mga ganitong balita na nangangahulugan na sikat rin ang mga kaso ng aksidente sa motorsiklo. Marami rin ang itinuturong dahilan dito ngunit ito ay dahil lahat sa motorista na nagmamaneho ng motorsiklo.

c. Ano masasabi ko diyan?

Ayon rin sa mga artikulo ng mga law agencies at iba’t ibang sanggunian ng gobyerno na malaki ang parte o bahagi ng mga motorista ay sila ang nakakalikha ng aksidente.

Sa dinami rami raw ng ginawa nilang batas ay hindi naman ito nasusunod at binibigyang pansin.

Ito ang sumusunod na mga dahilan:

a. Alak – marami raw ang nagmamaneho ng lasing kung kaya’t lalo pang ipinapagtibay ang batas ukol dito. Dahil raw sa pagkalasing ay nahihilo ang motorista at tila naliligaw ng landas kapag nagmamaneho. Numero uno rin ito sa mga sanhi ng aksidente.
b. Edad – pangalawa sa listahan ang pagiging menor de edad. Marami kasing mga magulang ang nagpapahintulot sa kanilang mga anak na magmaneho ng motorsiklo kahit hindi pa gaanong marunong. Sinasabi nila na basta may lisensya ay pwede na magmotor. Ngunit dapat bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil kailangan nila ng patnubay ng magulang pagdating sa pagmamaneho dahil may mapaglaro pang mga isip ang mga binata at dalaga na maaaring makalikha ng mga aksidente pangkalsada.
c. Pagkakarera – marami rin kaso nito dahil overspeeding ang mga motorista. Maski kapag sikat ang araw ay pabilisan upang makapunta lang sa kanilang pupuntahan.
d. Lisensya – malaki rin itong problema sa mga opisyal dahil hindi lahat ng motorsiklo ay rehistrado at maski ang mga nagmamaneho nito ay walang lisensya. Paano naman kasi magmamaneho ang taong wala naman pinagaralan tungkol sa pagmamaneho ng motorsiklo.

Mga solusyon ng MMDA dito:

Ayon sa link ng MMDA na http://www.mmda.gov.ph/ marami naman solusyon ang MMDA dito. Ang ilan dito ay ang enforcement discipline at mga road users manual.

Ilan sa mga MMDA ay nagbibigay ng mga manual upang malaman ng mga tao ang mga patakaran sa kalsada at malaman nila kung ano ang mga dapat nilang gawin at hindi.

Ayon rin dito na nakababawas naman ito sa mga aksidenteng pangkalsada lalo na sa mga motorista. Ngunit hindi rin talaga mapipigilan ang mga aksidente sa motor dahil mas delikado ito kaysa sa paggamit ng mga kotse.

Kung hihimayin mo ang kanilang mga proyekto makatutulong talaga ito sa mga motorista. Maganda naman ang epekto nito ngunit iilan sa mga motorista ay tila pasaway talaga at hindi sumusunod sa mga panukala ng MMDA.

d. Kabuuan at grap

Ito ay ang porsyento kung sino ang may kasalanan sa mga sakuna at aksidente nagaganap sa kalsada. Mapapansin nyu naman sa ginawa ng mga mananaliksik na motorista talaga ang may kasalanan kung bakit marami ang nadedelikado sa motorsiklo.

III. Kongklusiyon ng Pananaliksik

A. Kritikal na Pagsusuri

Ang kinalabasan ng pagsusuri ay tila maraming impormasyon na nagsasabi ng opinyon ng mga tao ukol sa paksa. Hindi naman maitatanggi na may mga bagay o tao na masisisi dahil sa mga aksidente.

Ngunit ayon sa mga mananaliksik napansin nila na tugma ang itinuturong dahilan ng mga datos mula sa tao at sa mga sanggunian na karamihan dito ay ang motorista mismo ang may kasalanan ng mga aksidente.

Sa madaling salita ay bawat isa ay may kanya-kanyang opinyon at ang Diyos ang nagpapasiya ng mga pangyayari sa ating buhay kung kaya’t hindi natin siya masisisi.


B. Kongklusiyon

Natuklasan ng mga mananaliksik na ang motorsiklo ay talagang mapanganib at delikado ngunit maiiwasan ito sa ibayong pag-iingat at higit sa lahat ang pinaka salita na “DISIPLINA” dahil ito ang susi upang maiwasan ang mga aksidente.

C. Rekomendasyon

Ngayon ay dapat nyo lang tandaan na disiplina ay susi sa mga iba’t ibang mga aspeto ng buhay lalong-lalo na sa transportasyon.

Maganda siguro kung kayo ay may disiplina sa kalsada upang hindi nyo masira at mawasak dahil lamang sa mga aksidenteng nagaganap sa ating kapaligiran.

SOURCES:

ABS-CBN
GMA
Wikipedia
Business Mirror
MMDA
Residents of Manila and Quezon City
Inquirer
Newspapers: Inquirer, Mla. Bulletin, etc.